juris' song
"Will you marry me?"
Nagpalakpakan ang mga tao sa office ni Maia. Maaga akong nag-out sa trabaho para puntahan siya sa office nila. Maglilimang taon na kami next month, tamang panahon na para lumagay na kami sa tahimik. Alam kong hindi na siya nagulat sa proposal ko. Kilala ko siya, sa tagal ba naman naming magkasama. Hindi siya yung tipong madaling masurprise. Alam kong alam na nya na yayayain ko na siya ng kasal. Kaya naman nagkunwari na lang siyang nagulat, siguro para hindi naman ako mapahiya sa officemates nya.
Si Maia na ang babae para sa akin. Mula nang maging kami almost five years ago, wala na akong ibang hinanap, hindi na rin ako tumingin sa iba. Maprinsipyo kasi akong tao, ayoko nang magulong buhay. Gusto ko lahat maayos, ayoko ng away, ayoko ng complications. Magkaklase kami noong college. Two months before graduation nang ligawan ko siya at noong araw mismo ng graduation namin nya ako sinagot.
Bakit ko nagustuhan si Maia? Tahimik sa room, mabait sa lahat ng classmates namin, matalino, maganda, at madaling patawanin. Hindi siya yung babaeng maarte. Game siya sa lahat pero konserbatibo pagdating sa mga values nya bilang babae. Hindi siya yung tipong nakikipaglaro pagdating sa relasyon. Parehas kami. Ayaw namin ng laro-laro lang, gusto namin yung seryoso at may pupuntahan ang relasyon namin.
After graduation napasok siyang accountant sa isang opisina sa makati, samantalang ako naman ay napasok sa isang call center. Mahirap noong una dahil magkaiba na ang mundo namin sama mo pa ang magkaibang oras, pero dahil si Maia siya, nagawan nya lahat ng paraan. Hindi ako ang nag-adjust, siya ang nag-adjust para sa akin, ganun siya kabait at kamaunawain.
"Kiss!!!" sigawan ng mga kaopisina niya. Pinagbigyan naman namin sila. Tapos nun ay nagpaalam na kami dahil may dinner date kami with her family. Gusto kong pormal nang sabihin sa kanila ang plano naming lumagay sa tahimik.
Two weeks after ng proposal ko kay Maia nakatanggap ako ng isang text mula sa isang dating kaibigan from college. May get together daw kami at bawal ang absent. Nagpaalam ako kay Maia na ikakansela ko muna ang meeting namin with the wedding planner at pumayag naman siya. Tinanong nya kung saan ako pupunta, sinong kasama ko at kung iinom ba ako? Sinabi ko ang totoo at hindi ko alam kung may inuman pero kung meron malamang uminom ako. Pumayag ulit siya pero sabi nya tawagan ko daw siya pag dating ko sa bahay.
Sa isang mall kami nagkita-kita. Madilim na nang nakarating ako. Sinalubong ako ng mga dating kaklase at mga kaibigan. Kamustahan, kwentuhan, tawanan. Marami sa kanila ay may mga pamilya na. Ang ibang ayaw pang magpatali, kanya-kanya naman ng bidahan sa karera at girlfriends. Ang mga padre de pamilya tahimik at tatawa-tawa na lang sa isang tabi.
"Akala mo lang yan, subukan mong mag-asawa!"
"Mag-asawa? Ano ako nasisiraan ng ulo? Ang sarap ng buhay ko tapos hahanap ako ng batong ipupukpok ko sa ulo ko? Hindi na uy! Ang sarap yata nang malaya!"
"Baliw! Mag-asawa ka! Hindi naman habang buhay kang binata! Pano ka pag matanda ka na?"
"Kalabaw lang ang tumatanda!"
Maya-maya pa ay umulan na ng beer sa mesa. Bigla akong natahimik. Hindi ko masabi sa kanila na ikakasal na din ako. Sigurado kakantyawan nila ako pag sinabi ko. Gugulatin ko na lang sila sa invitation card. Habang nagbibidahan sila sa mga kalokohan nila noong college napatingin ako sa isang babaeng kumakain sa di kalayuan mula sa mesa namin. Mag-isa lang siya. Pamilyar ang mukha niya sa akin pero hindi ko maalala kung saan ko ba siya nakita. Nangiti ako nang makita kong hinawakan nya ang kutsilyo at tinidor at hiniwa ang bavarian doughnut na kinakain niya na nakapatong sa isang platito. Para siyang kumakain ng steak. Noon lang kasi ako nakakita ng doughnut na kinukutsilyo at tinitidor na parang baka.
At noon ko biglang nakilala ang babae. Si Lara! Kababata ko.
Nagpaalam muna ako sa mga kaibigan ko para batiin si Lara. Alam kong pinapanood nila ako nang lumapit ako sa mesa ni Lara at nagpakilala.
"Lara! Remember me?"
Tumingin siya. Ang tagal bago nagrehistro ang mukha ko sa isip nya. Tinitigan nya ako na para bang taga-ibang planeta ako at noon lang siya nakakita ng cute na alien gaya ko.
"Dennis?"
Ngumiti ako, "Yep!"
Tumayo siya bigla at pinunasan ang bibig ng panyo. "Uy! Musta na? Ang laki mo na ah! Di na kita nakilala!" excited nyang sabi.
Si Lara ay kapitbahay namin dati noong elementary hanggang lumipat sila ng bahay ng fourth year High School na kami. Noon, putlain siya at payat. Ngayon, maputi pa rin siya pero may kulay na ang kanyang pisngi. Medyo payat pa rin at hindi man lang yata tumangkad kahit isang pulgada mula nang huli ko siyang nakita. Kahit noon pa ay mukha na siyang bata sa edad nya. Hanggang ngayon hindi mo pa rin siya mapagkakamalang bente-singko anyos. Mukha pa ring sixteen years old. At di rin nagbago ang pananamit nya. Simple pa rin at walang make-up.
"San ka na ngayon?" sabay naming tanong. Nagtawanan kami. "Ikaw muna!" sabi ko.
"Sa Tarlac sila ngayon nakatira pero ako dito ako nagboboard sa may pasig," sagot nya.
"Ah ganun, san ka ba nagwowork?"
"Sa Boni. Malapit lang naman. Ikaw?"
"Sa call center dito malapit lang. Ikaw lang pala mag-isa dito. Musta naman ang mga kapatid mo at mga magulang mo?"
"Okay silang lahat. Nasa Tarlac sila. May mga work na din sila dun. Si Kuya Ariel may pamilya na dalawa na nga ang anak eh."
"Aba akalain mo mag-aasawa pala si Ariel dati akala ko magpapari yun eh."
Bigla kaming natahimik pareho. Parang may anghel na dumaan. Naubusan yata kami bigla ng pag-uusapan. Kaya nagpaalam na ako. Pero bago ko siya iniwan ay kinuha ko muna ang cell number nya.
Hindi ko alam kung bakit hanggang sa pagtulog ay iniisip ko si Lara. Binabalik-balikan ng isip ko ang tagpo sa mall. Paulit-ulit ding nagfaflash sa isip ko ang pagkain nya ng doughnut. Nangingiti ako sa tuwing maaalala ko kung paano nya hiwain at tinidorin ang bavarian. Bumalik din sa isip ko ang mga taon na magkapit-bahay kami noon. Mabait at sobrang tahimik. Napakamahiyain din. Bihirang lumabas ng bahay kaya madalas kami pa ang dumadayo sa bahay nila para makipaglaro. Pero nung High School na kami hindi na siya nakikipaglaro. Lagi na lang nakakulong sa bahay, nag-aaral o kaya ay nakikinig ng radyo. Napakasipag din nya sa mga gawaing bahay. Lagi nga siyang nirereto ng mommy ko sa kapatid ko dahil masipag daw at marunong sa loob ng bahay. Pero kahit kailan ay hindi kami natukso sa isa't-isa. Bagay na hindi ko alam kung ikatutuwa ko o ikalulungkot. Kahit hindi maganda si Lara gaya ni Maia, natural at simple naman ang mukha nito. Maamo at parang napakainosente.
Hindi ako dalawin ng antok. Hinawakan ko ang cell ko at tatawagan ko sana si Maia pero nagdalawang isip ako kung gising pa siya. Para namang may sariling isip ang mga daliri ko at hinanap nito ang number ni Lara. Halos makabisado ko na ang number niya kakatitig dito. Tapos ay hindi ko namalayang napindot ko na pala ang call. Narinig ko na lang na nagsasalita siya. Nagulat ako at pinawisan nang malamig. Hindi ko alam ang gagawin ko. Anong sasabihin ko? Tinapat ko sa tenga ko ang cellphone.
"Hello?"
"Ahm, hello," nauutal kong sagot.
"Sino to?"
"Ahm, Lara. Si, si, si ano to."
"Sino?" medyo naiinis na nyang tanong.
"Si Dennis!"
At doon na nagsimula ang regular na tawagan namin. Noong una kamustahan lang. Tapos kwentuhan tungkol sa nakaraan. Tapos sa school, sa trabaho, sa mga hobbies, sa mga pamilya, sa mga pangarap. Ang lahat ng tawagan namin ay hindi alam ni Maia. Hindi ko alam kung bakit hindi ko masabi sa kanya. Samantalang alam ko namang wala akong ginagawang masama. Kaibigan ko si Lara. Kababata. Wala namang malisya kung maging magkaibigan ulit kami ngayon. Pero hindi ko rin mabanggit si Maia kay Lara. Hindi nya alam na may girlfriend ako at kakasal na kami. Naguguluhan ako kung bakit bigla na lang akong natutong maglihim. Hindi ko naman iyon dating ginagawa.
Noong una tawagan lang ang ginagawa namin ni Lara. Tapos nang medyo tumagal na, nagkikita na kami, minsan sinasama nya ako magsimba, minsan naman ay sinasama nya ako sa oraganization nya, isang non-profit org na kumakalinga sa mga batang inabandona na ng kanilang mga pamilya. Hindi nakakapagtakang malinya si Lara sa mga ganung gawain. Kahit naman noon pa ay mapagkawang-gawa na siya sa mga nangangailangan. Palagi ko siyang pinapanood kung paano nya alagaan ang mga bata, kung paano siya makipaglaro at makipaghabulan sa kanila. Nakita ko rin kung gaano siya kamahal ng mga ito. Naaaliw ako sa kanya. Natutuwa. Hindi kasi siya ordinaryong babae. Kakaiba siya.
Isang araw nagkita kami ng bestfriend ko. Siguro dala ng guilt kaya nakwento ko sa kanya si Lara. Napailing siya. "Wala namang masama sa ginagawa ko di ba?" tanong ko?
"Depende kung ano ang pakahulugan mo sa masama," sagot nya.
"Ano naman ang ibig mong sabihin?"
"Pare! Kung hindi mo masabi kay Maia si Lara, malamang may mali."
"Hindi ko alam pare! Hindi naman ako ganito dati. Alam mo namang si Maia lang ang babae para sa akin. At siya pa rin naman hanggang ngayon eh. Kaya lang iba kapag kasama ko si Lara at kapag kausap ko siya. Iba kasi yung kwentuhan at kulitan namin kasi nga magkababata kami."
"Si Maia pa nga rin ba hanggang ngayon?"
Napatingin ako sa bestfriend ko. May laman ang tanong nya pero hindi ko naman maintindihan ang ibig niyang sabihin. Nagloloko ba ako? Niloloko ko ba si Maia? Hindi ko naisip yun. Wala naman kasi akong ganung nararamdaman para kay Lara. Basta naaaliw lang ako sa kanya. Hindi naman pagmamahal yun. Pero may nagsasabi sa isip ko na mali pa rin.
Hindi ako nakapagtrabaho nang maayos kakaisip sa tanong ng bestfriend ko na iyon. Paulit-ulit, "Si Maia pa nga rin ba hanggang ngayon?" Hindi ko agad masagot.
"Kita tayo!"
"Kelan? Saan?"
"Mega mall."
"Sige, twenty minutes dyan na ako."
Nakita ko si Lara nakaupo sa food court. Dito kami madalas nagmemeryenda bago ako pumasok sa trabaho at pagka-out naman nya sa trabaho. Nakadilaw siyang blouse. Malungkot ang mukha.
"Lara!"
Tahimik lang siya. Umupo ako. Mukhang seryoso ang pag-uusapan namin.
"Sino si Maia?"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. "Si Maia? Bakit mo naitanong?"
Pinakita nya sa akin ang cellphone nya. May text mula sa number ni Maia. "Stay away from my fiancee." Isang linya lang. Pero malaman.
"Sorry Lara. I can explain."
Natawa siya. "Explain?"
"Oo, si Maia ang girlfriend ko. Ikakasal na kami. Pero wala naman akong ginagawang masama eh."
Napanganga siya at parang hindi makapaniwala sa naririnig niya. "Wala kang ginagawang masama pero ako meron?" tanong nya.
"Hindi wala kang kasalanan!" Napanganga ulit siya. Mali na naman ang sagot ko.
"Wala talaga akong kasalanan. Wala naman akong alam eh. Saka hind naman tayo. At hindi ka naman nanliligaw. Talagang wala akong kasalanan. At unfair na makareceive ako ng text na ganyan. Para namang lumalabas na nang-aagaw ako ng boyfriend eh."
"Sorry Lara. Ako naman talaga ang may kasalanan dito. Hindi ko sinabi sa kanya at hindi ko rin sinabi sa iyo."
Tinitigan nya ako nang matagal. Hindi naman ako makapagsalita baka kasi mali na naman ang masabi ko at masapak nya ako.
"It's okay Dennis. I understand. I'm not that kind of girl. Please say sorry sa girlfriend mo ha." Tumayo siya at dali-daling umalis.
Naiwan akong nakatunganga. Hindi ko alam kung anong nangyari.
Hindi na nagparamdam si Lara mula noon. Nagbago na siya ng number. Nagresign siya sa pinagtatrabahuan nya at hindi na rin daw pumupunta sa org nya. Hindi ko siya maalis sa isip ko. Lagi ko siyang hinahanap. Sinusubukan ang number nya na baka mag-ring at hinahanap kung may facebook account ba siya o kahit ang mga kapatid nya para malaman ko kung saan siya nakatira sa Tarlac, pero wala talaga. Bigla siyang nawala na parang bula.
Nakapagpaliwanag na rin ako kay Maia. Isang libong beses na yata akong humingi ng sorry at everytime pinapatawad nya ako. Sabi nya wedding jitters lang daw yun. Hindi ko naintindihan kung anong ibig nyang sabihin pero tinanggap ko na rin para matahimik ang konsensya ko. Tinuloy namin ang meetings sa wedding planner, nagpaprint ng mga invitations, nagpagawa ng gown at barong, nag-taste-test ng mga cake at kung anu-ano pang preparations para sa kasal. Si Maia parang hindi napapagod. Excited na siya.
Ako? Hinahanap ko pa din si Lara. Hindi ko alam kung bakit kahit kasama ko si Maia at okay na kami ay si Lara pa rin ang nakikita ko. Maprinsipyo akong tao, galit ako sa mga lalaking nagtwo-two-time ng mga asawa o girlfriends nila. Galit ako sa mga manloloko. Pero noon yun. Mula nang makita ko ulit si Lara, parang nakisimpatiya na ako sa mga lalaking manloloko. Hindi ko na sila hinuhusgahan. Naiintindihan ko na ang pinagdadaanan nila at kung bakit kailangan nilang lokohin ang mga mahal nila. Minsan kasi may dumarating sa buhay natin na hindi naman talaga kasama sa picture. Pero naroon sila naiiwan sa puso at isipan natin. Hindi natin makalimot-limutan. Basta ganun lang siguro talaga yun. May mahal ka na pero may mas mahal ka pa ring iba. At wala kang magawa.
Isang araw bago ang kasal ko bumalik ako sa mall kung saan ko unang nakita si Lara. Naupo ako sa mesang kinainan niya. Umorder ako ng bavarian at coke gaya ng order nya. Humingi din ako ng kutsilyo at tinidor. Hiniwa ko ang Bavarian doughnut. Tinusok ng tinidor. Nangingilid ang luha sa mata ko habang isinusubo ko ang doughnut. At nang lumapat na sa labi ko ang tinidor tuuyan nang bumagsak ang luha ko.
Iyon pala ang pakiramdam. Nangiti ako nang maalala ko kung paano kumain ng doughnut si Lara. Parang steak ang kinakain nya. Noon lang kasi ako nakakita ng ganun.
Kung nasaan ka man Lara, miss na miss na kita...


